Monday, June 26, 2006

Tingi

sa convenience store sa kanto,
yung kapitbahayan ng mga tricycle
na puno ng sarisaring tao,
mula bukang-liwayway hanggang dapithapon
hanggang magdamag hanggang sa susunod na araw,
doon kita unang napansin
habang inuubos mo ang ice cream
na binili lang ng tingi
dito sa bayan nating sanay sa pakunti-konti.

isang sachet ng shampoo
kadikit na ang conditioner, at maliit na sabon din
para sa isang paligo.
kape, creamer, asukal, tsokolate
pati palaman, tinapay, noodles
para sa isang agahan.
tubig, kendi, sigarilyo
underwear, underarm lotion, pasa load
para sa isang maghapon ng buhay.

Pati nga ba ang pag-ibig?

Inubos natin ng isang linggo ang isang dosenang halik.
isang buong oras na kapaan sa sinehan
at halos tatlong gabing nakahubad ka sa aking silid,
ninanamnam ang bawat patak ng aking pawis.
hanggang sa nasimot ang libog
at muli na namang naghanap
ng ibang pupuno sa kakarampot
na ligayang hindi kaagad makita,
mag-uumit muli ng ngiti, tuwa, kapiranggot na saya,

sa manipis na nating dibdib ng walang katapusang pag-iisa.

Wednesday, May 17, 2006

dalugdog

makusog an hurudinghuding sa panganoron
sugad sin mayon na naman masulod
na makusog na hangin, magub-at na uran.

(diri kaya matuga na an bulkan?)

hale sa hiwas san dagat Pasipiko,
nag tagdiyo-diyo an pagbatog
sa pinit san parola ni San Bernardino.

naamot sa pira kabeses na pagkulog san imo boot

sa diri niya pag-uli sin atab
sa diri niya pagpa-isi na diri na makadiretso sa balay
sa diri niya paghatag sin mayad na pag-ako
sa mga hinimo mo para siya mapa-ogma.

dunaghan sa pag-awat san panahon
hanggan sa lunampas sa imo sulodan.

uyon na. makaskason na an dalagan san busabos
diretso sa mapioton na bongto san dubdob mo
para iluwas na an paso, an pagkaladkad san ulo.

marasa pa an maabutan san hangit mo.

Friday, May 12, 2006

hapot

diin ka na makadto pakatapos ta?
hapot san nakapirong ko na mata.

kopo ako san mapinit na hangin san Dancalan;
siya nag-iimod sin tv kaabay an asawa.

diri ko na nahulat an simbag pagmuklat ko
nahulos na san balod an too ko na siki

an panganoron dini sa baybayon madulom
sugad sin may maagi na naman na bagyo

tunindog ako, pinagpag an baybay sa lawas
akay baya an kamondoon kangalas-ngalas?

sa kadaghan san tawo na mamumut-an
siya pa an pinili na wara pakadtuan


may mga namagtirinawa na soltero sa cottage
may namagbaralatas na tricycle sa tinampo

sa harayo, an bulkan nagngungurutob
namumundo man ada sini na sitwasyon

basi pa sunimbag na siya sa cellphone ko,
ma tagdiyo-diyo na ako pauli sa bongto.

Friday, April 28, 2006

haiku: waves

darkness swallows soul
while the sea awakening
gently crushes death

Monday, January 30, 2006

Enero ng mga Panaginip

Pinukaw ng matitinding bulyaw ng alarm clock and kadiliman ng silid. Kasal ng isang kaibigan ni Alex sa Parish of the Holy Sacrifice sa UP sa araw na iyon kaya sa bahay na naman ni Lloyd siya natulog. Magkatabi sa may katamtamang laking kama ang dalawa. Magkatapat ang mga likod sa pagkakahiga. Nakaharap sa maliit na mesang katabi ng kama si Alex samantalang halos dumikit na ang mukha ni Lloyd sa dingding.

Kung ang mukha ni Alex habang natutulog ay balisa, nababanaag naman sa bilugang mukha ni Lloyd ang kawalan ng katahimikan. Kung mapagmamasdan lang ng dalawa ang kanilang mga sarili habang natutulog, maiintindihan nila kung ano ang ugat ng mga bangungot na dumadayo sa kanilang mga panaginip na dinadala nila hanggang sa pagkagising.

Nasa mundo ng panaginip si Alex. Halata ang mabilis na galaw ng kanyang nakapikit pang mga mata.

Tumatakbo nang mabilis si Alex. Takot na takot na maabutan ng babaing humahabol sa kanya. Nanlilisik ang mga matang sumisigaw ang babae. “Mamatay-tao! Kriminal!”

Madawag ang gubat na tinatakbuhan ni Alex. Madilim. Maputik. Hindi niya alam kung bakit nasa loob siya ng isang gubat basta kailangan lang niyang tumakbo nang tumakbo. Kailangan niyang makalayo.

Nang biglang nadapa si Alex. Nasubsob siya sa putikan. Pinilit niyang bumangon ngunit di na siya nakagalaw. May kung anong lakas na pumigil na siya ay makatayo. Palapit na ang babae. ”Hindi,” sigaw ni Alex, tigilan mo ako. ”Wala akong kasalanan sa iyo!”

Nilingon ni Alex ang babaing humahabol. Tumigil ito. Pumulot ng putik at binato si Alex. Kriminal ka! ”Pinatay mo ang kapatid ko! Hayup!”

”Magpapaliwanag ako! Wala akong kasalanan! Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Itinaas ni Alex ang kanyang mga kamay para takpan ang kanyang mukha.

Hindi tumigil ang babae. Naramdaman ni Alex ang baril sa kanyang kanany kamay. Itinutok niya ito sa babae. Ngunit naging lalaki na ang babae. Isang lalaking walang mukha na naka-abito. Patuloy ang pagbato sa kanya ng lalaki ng mga bolang putik. Hanggang sa kalabitin na ni Alex ang baril.

Dahan-dahang tumalikod si Lloyd para abutin ng kaliwang kamay ang nagwawalang orasan. Pinatay niya ang nakakarinding ingay nito.

Niyugyog ni Lloyd ang natutulog pang si Alex, “Wake up. Six a.m. na.”

Nagtaka sa biglang pagsabog ng liwanag ang mga mata ni Alex. Matagal siyang nakatitig sa dingding. Hindi siya kaagad tumingin kay Lloyd. Wala na nga ba ang babaing humahabol sa kanya?

“Nanaginip na naman ako,” maya-maya ay nawika ni Alex. Nais niya sanang sabihin kay Lloyd na muli, ang babaeng humahabol sa kanya ang kanyang napanaginipan, subalit…

“I’m going to be late,” parang hindi siya narinig ni Lloyd. “I’m taking a bath.”

Tahimik na tinanggap ni Alex ang pagbalewala ni Lloyd sa sinabi niya. “Sandali lang,” nilagyan niya ng konting lambing ang bulong habang nag-umpisang gumapang ang kanyang kanang kamay sa tiyan ni Lloyd, pababa sa puson. “Puwede ka bang yakapin sandali?”

Dinilaan ni Alex ang tenga ni Lloyd. Sinipsip. “Hey, stop it,” awat ni Lloyd, “I have meetings to attend to. Ano ba?”

“And mine’s a wedding,” bumaba na ang dila ni Alex sa leeg ni Lloyd, patungo sa dibdib hanggang sa kaliwang utong nito. “But this is better than weddings.”

Patuloy ang paglalakbay ng dila ni Alex pababa. Binasa niya ng laway ang pusod ng tila wala nang angal na si Lloyd. Hinigop para alisin ang singaw ng init na namumuo sa kalamnan nito. Binaba niya ang suot na pantulog ni Lloyd hanggang tuhod at itinuloy ang paglakbay ng kanyang dila sa lugar kung saan naglalaro ang kanyang kanang kamay. Pinaligiran ng halik ni Alex ang nilalaro ng kanyang kamay. Dinilaan. Nilasap ang samyo ng isang buong gabing pagtatago. At dahan-dahan niyang pinasok ang bahaging iyon ni Lloyd sa kanyang bibig. Hanggang sa pinakarurok.

Nabigla si Alex nang biglang iginalaw ni Lloyd ang puwitan nito, palayo sa kanyang nakadikit na mukha. “Tama na,” wika ni Lloyd habang itinataas ang salawal, “maliligo na ako.”

Tumayo si Lloyd at lumabas ng kuwarto. Naiwang nakahiga si Alex. Nakapikit na nakatakip sa bibig ang dalawang kamay habang pilit na binablangko ang isip.

Sa dilim ng kanyang nakapikit na mga mata, muli niyang nabanaag ang babaing humahabol sa kanya. Tawa ito ng tawa habang nanatiling nakalugmok siya sa putikan na hawak-hawak ang isang baril na napupuluputan ng malalaking beda ng rosaryo. Naiiyak na siya habang patuloy ang pagtuya ng babae sa panaginip sa kanya.

y

Ang Enero, na unang buwan sa sinasabi ng karamihan na huling taon ng pangalawang milenyo ay pinuno ang bawat gabi ni Alex ng sari-saring panaginip. Hindi niya alam kung bakit naghahalo ang mga ilusyon at katotohanan sa bawat pagpikit niya ng kanyang mga mata. Ngunit ang buwang nagsimula sa isang hungkag na selebrasyon nang dumating ang bagong taon ay hindi naging simbolo ng mga simula sa kanyang buhay kundi naging mitsa ng isang pagtatapos.

Si Alex ay isang mananaliksik na nasa kanyang late 20s. Hindi niya kaagad inaamin kung ano ang edad niya dahil kadalasan sinasabi ng kanyang mga nakakausap na mukha pa siyang bata ng limang taon sa kanyang tamang edad. Pangatlo si Alex sa apat na magkakapatid at nag-iisang anak na lalaki. Isang magaling na manlalako ng kung anu-anong produkto ang kanyang ina at isa namang part-time guro ang kanyang ama sa isang pribadong paaralang pang-sekondarya na sa mga mapayapang gabi ay nangingisda sa malawak na karagatan ng kanilang maliit na bayan sa Bikol.

Kapwa mga anak ng mangingisda ang kanyang mga magulang. Kapwa pinag-aral ng mga magulang at ng ibang kamag-anakan nila ang mga ito para makaahon sa kahirapan. Subalit nang malapit nang makatapos sa kursong Edukasyon ang kanyang ina ay sumamang magtanan ito sa kanyang ama na noong panahong iyon ay isa na lang sanang taon ang ilalagi sa seminaryo para maging deakono. Ang pangyayaring ito ang nagmistulang malakas na hangin na bumuway sa walang katatagang relasyon nilang mag-anak na hanggang sa Enerong iyon ay pinipilit pa ring takasan ni Alex.

Hindi madali kay Alex ang humarap sa kanyang mga problema. Kadalasan, tinatakbuhan niya ang mga ito katulad ng ginagawa niyang pagtakas na kumprontahin ang lumalawak na giwang sa relasyon niya sa kanyang ama. Bata pa ay napalayo na sa mga magulang si Alex dahil sa isang scholarship na nakuha niya para makapag-aral sa Philippine Science High School. Mas gusto niya sanang mag-sekondarya sa seminaryo sa kanilang probinsiya ngunit hindi siya pinayagan ng kanyang ama dahil mas magiging mabuti raw siyang tao kung mag-aaral siya sa prestihiyosong paaralan ng mga iskolar kung saan siya nakapagtapos ng sekondarya. Ngunit ibang rason ang nakatatak sa kanyang isip hanggang sa kanyang paglaki, ito ay ang hiya at takot na nararamdaman ng ama kapag nababanggit niya noon ang kanyang kagustuhang magpari. Hiya, dahil sa ginawa nitong desisyong mag-asawa, at takot, dahil baka ulitin niya ang ginawa nito at ng kanyang ina.

Hindi kayang ipaliwanag ni Alex sa kanyang ama na hinding-hindi niya uulitin ang ginawa nito lalo na at naramdaman niya habang siya ay lumalaki na iba ang hinahanap ng kanyang katawan. Ang kakaibang paghahanap na gusto sana niyang talikuran sa tulong ng simbahan. Ngunit dahil sa pagpipilit ng kanyang ama na ilayo siya sa simbahan kaya tuluyan siyang napayakap sa katotohanan ng kanyang pagkatao. Ang katotohanang hindi na niya maiwanan maging sa kanyang mga panaginip.

y

Nasa loob ng isang madawag na gubat si Alex. Kakaiba ang gubat na iyon dahil sa kawalan ng ingay, kaluskos, o bulong. Naglalakad siyang nakadamit-abito at may bitbit na maliit na maleta.

Tuloy-tuloy siya sa dulo ng gubat. Hindi niya tinitingnan ang kanyang paligid. Isa lang ang kanyang iniisip. Ang kanyang misyon.

Natanaw ni Alex ang isang bahay nang nakalabas siya ng gubat si Alex ay natanaw niya ang isang bahay. Hindi malinaw sa panaginip kung kanino ang bahay o kung ano ang anyo nito. Ang naalala ni Alex nang nagising na siya ay ang pagtigil niya sa tapat ng pinto ng bahay, pagbukas niya sa dala niyang maleta, pagtapon niya ng tatlong granadang hugis-krus sa bahay, ang pagsabog ng bahay, ang pagkasunog nito, at ang malakas na malakas niyang tawa.

“Alam mo ba ang ibig sabihin n’ung dream ko na iyon?” wika ni Alex kay Lloyd pagkatapos ikuwento ang panaginip niya. Nasa sala ng bahay ni Lloyd ang dalawa, unang linggo ng Enero. Nagkakape habang hinihintay ang pagdating ng mga estudyanteng magkokunsulta kay Lloyd. Hindi lang niya binanggit kay Lloyd ang hugis ng mga granada at ang kasuutan niya sa panaginip na iyon. Hindi pa niya kayang kumprontahin ang aspetong iyon ng kanyang pagkatao.

“Problema sa sex,” si Alex rin ang sumagot sa tanong niya. ”Yun ang kahulugan ng mga bombang sumabog. Mga repressed sexual urges. At kung sino raw ang may-ari ng bahay sa panaginip na yun, yun daw ang ugat ng problema.”

“Saan mo naman nabasa yan?” tanong ni Lloyd. Nagbabasa ito ng isang aklat tungkol sa arkitektura na siya nitong natapos na kurso sa Mapua.

Si Lloyd ay lampas trenta na nang nagkakilala sila ni Alex sa isang pa-workshop para sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki o MSM na tungkol sa sexuality at HIV ng isang NGO noong Nobyembre ng nakaraang taon. Bunso ito sa dalawang anak ng nasa ikalimang dekada nang mga magulang. Ang kapatid na babae ni Lloyd ay nasa Europa. Hindi alam ng pamilya na si Lloyd ay isang bakla. At hanggang sa Enerong iyon, nanatili pa ring balakid ang pamilya (bilang nag-iisang anak na lalaki), relihiyon (bilang debotong Protestante), trabaho (bilang guro ng Art Studies sa UST), at dating pag-ibig (isang taon nang naghiwalay sina Lloyd at Bernie, ang kasintahan nitong doktor ngunit di pa rin makatayo ng diretso si Lloyd) sa pagiging bakla nito. At ang lahat ng ito ang nilabanan ni Alex noon para mahalin din siya ni Lloyd mula nang naging magkaibigan sila sa workshop na iyon.

“Nagbasa ako ng mga dream books sa National Book Store,” paliwanag ni Alex. “Hinanap ko ang ibig sabihin ng baril, ng bomba. Pati nga yung pagbato ng putik ng babaing humahabol sa akin sa isa pang panaginip, hinanap ko rin. At halos pareho lang ang ibig sabihin ng mga iyon. Problema sa sex, sakit ng ulo sa kawalan ng sex, hinanakit dahil walang sex, pagbabalewala sa pansariling sexual needs.”

Ngumiti si Lloyd ngunit di pa rin nito ibinaba ang aklat na binabasa, “naniniwala ka dun?”

Umusod ng upo si Alex palapit kay Lloyd. “Alam mo, bahay mo siguro ang binomba ko sa panaginip.” Gusto niyang idagdag na baka si Lloyd ang sanhi ng mga problema niya sa sex ngunit di na niya nagawa dahil tumunog ang buzzer sa gate ng bahay ni Lloyd. Tumayo si Lloyd para lumabas ng bahay at pagbuksan ng gate ang mga estudyante.

Naiwan sa kanyang hininga ang mga sasabihin pa ni Alex. I’ll be at your room watching TV, galaw ng kanyang bibig na tuluyan nang pinasok ng hangin.

Ang mahinang pagsara ng pinto ng bahay ang naging sagot ni Lloyd.

y

Nagising si Alex sa biglang pagtunog ng kanyang pager. Si Danny, naisip niya kaagad, six a.m. nga pala kami dapat na magkita sa Farmer’s. Tiyak naghihintay na yun.

Sumabay si Alex kay Lloyd sa paglabas nito mula sa inuupahang bahay ng huli. May dadaanan pang kapwa guro si Lloyd sa bandang New York sa Cubao kaya nagawang makisakay ni Alex sa kotse nito hanggang sa kanto ng Kamuning at Edsa. Mula sa bahay ni Lloyd hanggang sa Edsa ay walang imikan ang dalawa. Kapwa nababalutan ng pansariling mga alalahanin ang pag-iisip nila. ”Will I see you tonight?” tanong ni Alex sa wakas kay Lloyd bago bumaba ng kotse.

”Ikaw,” sagot ni Lloyd nang hindi man lang tumingin sa kanya. ”I might go home late. I still have to go to UP after my meeting at the National Museum.”

”OK,” ngumiti na lang si Alex. Whatever, bulong niya sa sarili nang umalis ang kotse ni Lloyd.

Pumara siya ng taxi at sinundo si Danny sa Farmers.

”Kanina ka pa ba?” tanong ni Alex kay Danny nang nasa loob na sila ng taxi.

Tumango si Danny. ”Maaga kasi akong nagising eh. Galing ka pa ba ng Bicutan?” tanong naman ni Danny sa kanya.

”Hindi,” sagot ni Alex. ”Sa bahay ng isang kaibigan ako natulog. Diyan sa may Quezon Ave.

“Boyfriend mo?” may halong panunukso ang tanong ni Danny.

“Hindi, kaibigan ko lang yun,” tinitigan ni Alex si Danny. ”Kaibigan lang talaga,” dagdag niya nang kumunot ang noo ni Danny.

”Let’s be friends first and get to know each other better,” si Lloyd noong kalagitnaan ng Nobyembre ng nakaraang taon, kausap si Alex sa Mrs. Fields sa Megamall na maraming beses nilang naging tagpuan sa sumunod na dalawang buwan. Kararating lang ni Lloyd galing Hong Kong kung saan dumalo ito sa isang kumperensiya. ”I don’t think I’m ready yet for a relationship. If you’re willing to wait, okey lang. Malay natin in the end, tayo nga ang magkakatuluyan.

Tumango lang si Alex at ngumiti. Pinilit niyang ilarawan ng kanyang mukha ang pagbabalewala sa sinabi ni Lloyd na inakala niyang gustong makita nito sa kanya. (Hinintay kita ng dalawang linggo. Araw-araw habang nasa Hong Kong ka ay iniisip kita. Para na akong gagong nagsusulat ng kung anu-ano sa journal ko tapos eto lang ang sasabihin mo? na hindi ka ready? Putang ina ka Lloyd! Maghanap ka ng kausap.)

Ngunit hindi bumukas ang bibig ni Alex. Tahimik lang siyang nakangiti. Nakalarawan sa mga mata niya ang sayang gusto niyang ipakita. Hindi lumamlam ang liwanag na pinapakita ng kanyang mga mata.

“I want to watch a movie tonight,” sabi ni Lloyd kay Alex nang naglalakad na sila sa pasilyo ng mall. “Would you like to join me?”

“Sure,” pag-ayon ni Alex sabay sa paglipad ng kanyang isip sa kung saan. Wala, amin niya sa sarili, wala na siyang magagawa pa. Tapos na ang kanyang paghihintay. At ang resulta ay ang pagbabalik niya sa paghahanap.

y

Noong nasa ibang bayan ka ay di ko pa alam ang iyong nais, pagtatapat ni Alex sa kanyang journal sa sumunod na araw pagkatapos nang muli nilang pagkikitang iyon ni Lloyd. Ngunit ngayon alam ko na. Sa iyong pagtatanggol sa mga kagustuhan mo para sa iyong sarili, natanggap ko nang ako ay sadyang isa lang tagalupang sumasaya sa panandaliang pagkislap ng madilim na langit dahil sa iyong mga bulalakaw.

Sa payo ni Vince, isa sa mga matalik niyang kaibigan, sinimulan ni Alex ang pagsusulat sa isa na namang journal sa araw ng pag-alis ni Lloyd patungong Hong Kong. Ang una niyang journal ay tungkol sa pagsusumamo niya kay Sherwin.

Para may maipakita ka sa kanya pagbalik niya,” pangungumbinsi ni Vince sa isa nitong long distance call mula sa Texas. “Baka gusto ni Lloyd ng ganyan.”

Dahil sa kagustuhang makuha ang loob ni Lloyd kaya ginawa ni Alex ang pagsasa-journal ng kanyang nararamdaman sa bawat araw ng pagtubo ng pagkakagusto niya dito. Ipinapadala niya kay Lloyd sa pamamagitan ng email ang bawat naisulat niya.

Mahirap mang tanggapin iyon, patuloy na sulat ni Alex, gaano man kasakit, wala na akong dapat ipagmaktol o ikainis dahil dalawa lang naman talaga ang maaaring sagot sa aking paghihintay. Una, ang ako ay lubusang maging masaya dahil napunan ang aking mga pangungulila nang bumalik ang hinihintay, o pangalawa, ang ako ay mananatili sa aking paghihintay, hindi sa iyo na dumating na at unti-unti pa ring nagpapakilala, kundi sa isang bagong taong susulpot mula na naman sa kung saan. Sa ibang salita, babalik ako sa paghahanap.

Ano man ang dahilan sa hindi tuluyang pagkakasundo ng mga puso, ito man ay dahil gusto muna ng aking hinintay na maging magkaibigan kami, na magkakilala nang lubusan, na maaaring may nangyayari na sa amin sa pagitan ng kumot at kobrekama o wala man, ay isa lamang yugto ng paghihintay at hindi ito ang tunay na kasagutan.

Katulad ng nangyayari sa atin. Hindi mo pa alam kung ano ang gusto mo. Kung ako na nga ba ang dapat mong ipalit sa mga alaala ng mga naging ka-relasyon mo. Kung gusto mo pa rin bang kasama ako. Ewan ko kung sa kadahilanang natutuwa ka at meron na namang isang taong hindi natatakot na ilabas ang nararamdaman sa iyo, o dahil paminsan-minsan, malamig matulog nang mag-isa sa gabi, kaya gusto mo pa ring hawakan ang aking mga kamay, halikan ang aking mga labi, hagurin ang aking likod kahit na hindi mo pa nga alam ang gusto mo.

Ayoko nang sagutin ang mga haka-haka ko kung bakit tila maikli sa akin ang higit sa kalahating araw nating pagsasama mula Mrs. Fields hanggang Saving Private Ryan na natuloy sa ACE Hardware, sa SM Bowling Center, sa Gerry’s Grill, hanggang sa bahay ninyo. Kung bakit marami pa rin akong tanong nang umalis ako ng bahay ninyo kaninang umaga. Kung bakit sa aking pakiramdam ay maling-mali ang aking nagawa sa insidenteng iyon habang tayo’y nagniniig. Kung bakit di ka na umimik pagkatapos. Kung bakit halos hindi na ako nakatulog. Kung bakit pinag-iisip ako ng nakalukot mong mukha habang ikaw ay natutulog. Kung bakit…

Heto na naman nga ako at wala na namang magawang trabaho.

y

Nahulog nang tuluyan ang loob ni Alex kay Lloyd. Ang pagtatalik nila ay nasundan ng hindi lang dalawa o tatlo, kundi maraming pang beses. Sa una, naipangako ni Alex sa sarili na tatanungin niya si Lloyd kung anong relasyon meron sila pagkatapos ng ikasampu nilang pagniniig. Subalit lumampas na ang bilang ni Alex sa labing-isang sari-saring istilo ng kanilang pagtatalik, hindi pa rin niya nasabi ang kanyang naramdamang mga agam-agam kay Lloyd. Kaya naman kapag tinatanong siya ng kanyang mga kaibigan, kadalasan hindi niya inaamin kung nasaan siya sa mga gabi ng Disyembre at kung sino ang kasama niya.

Sa kawalan ng matibay na moog na magpapatunay na sina Alex at Lloyd nga ay nagkikita at nagtatalik, marami pa ring nagpahiwatig kay Lloyd ng pagkagusto dito. Walang nagawa si Alex. Tiniis niya ang sakit na dulot ng kawalan ng tiwala sa sarili, kay Lloyd, at sa kanilang pagiging magkaibigan. Hindi iilang beses ding naisip ni Alex na tigilan na ang mga ginagawa niya subalit ilang ulit man niyang pigilan ang sariling tawagan si Lloyd, pagkaraan ng ilang saglit ay hawak na naman niya ang telepono at nakikipagpalitan na naman ng mga matatamis na salita dito.

Nagtataasan na lang ng kilay ang mga kaibigan niya kapag nakakausap siya.

“Kayo na ba ni Lloyd?” tanong ni Orlan, matalik nilang kaibigan ni Vince mula pang pagkabata. Umiling si Alex. Nasa bahay nina Alex ang dalawa at kinakalikot ang stereo component ni Alex para paulit-ulit na pakantahin si Anggun na siyang gustung-gustong pakinggan ni Orlan.

“Eh ano kayo? Magkaibigan pa rin?” inis na komento ni Orlan. “Sex na nga kayo ng sex eh magkaibigan pa rin kayo.”

Hindi kaagad sumagot si Alex. Sa lahat ng mga kaibigan niya, kay Orlan niya nasasabi lahat ng mga pangyayaring sekswal sa kanya. Alam ni Orlan kung ilang beses na nilang ginawa at kung ano na ang ginawa nila ni Lloyd. Wala siyang natagpuang mga salita para ipagtanggol ang kanyang nararamdaman kay Lloyd.

Matagal silang natahimik habang kinakanta ni Anggun kung ano ang lagay ng yelo sa Sahara.

“Mahal ko na siguro si Lloyd,” pag-amin ni Alex kay Orlan. “Mahal ko na nga siya.” Sumandal sa dingding si Alex, itinaas ang kanyang mga paa sa kama at hinayaang yakapin ng dalawa niyang kamay ang kanyang mga binti. Inilapat niya ang kanyang baba sa kanyang mga tuhod.

“Nasabi mo na ba yan sa kanya?” tanong ni Orlan. Tumango si Alex. Kinuwento niya ang nangyari nang gabing sinabi niya kay Lloyd na nahuhulog na siya dito. Galing sila ni Lloyd sa Jefz Café sa Malate noong gabing iyon. Iyon ay pangatlong araw na mula nang bumalik sila galing sa bahay ng mga magulang ni Lloyd kung saan sabay nilang kinatagpo ang pagdating ng isa sa maiingay ngunit pinakamalungkot na bagong taon ni Alex.

Nakayakap si Alex kay Lloyd sa kama nang sinabi niyang nahuhulog na ang loob niya dito. Hindi kaagad sumagot si Lloyd. Tumayo ito at tinungo ang banyo. Nakatitig si Alex sa kisame nang bumalik sa kuwarto si Lloyd. Sa pag-iwas ng tingin nito sa kanya habang papalapit sa kama, alam na ni Alex kung ano ang sasabihin nito.

“Hindi pa ako handa Alex,” sagot ni Lloyd sa pagbukas ni Alex sa nararamdaman niya para dito. Para siyang tinusok ng ilang libong karayom sa buo niyang katawan. Tila hindi na siya makagalaw. “Sa mga panahong ito, nami-miss ko ang aking pag-iisa,” patuloy na paliwanag ni Lloyd. “Mas masaya ako kung walang kasama.”

Parang ipu-ipong dumaan sa balintataw ni Alex ang mga nagawa na nila ni Lloyd. Naramdaman niya ang paglaho ng isang napakagandang pakiramdam na alam niyang hindi na babalik pa. Biglang naging hungkag ang kaluluwang nahugot niya sa kawalan. Hindi niya napigilan ang pagpatak ng kanyang luha.

Inalo ni Lloyd si Alex, “I’ll still be here. I won’t leave you.”

Sa gitna ng mga hikbi, tinanong ni Alex kung paano magkakatugma ang binanggit ni Lloyd na naroroon pa rin ito para sa kanya samantalang gusto nitong mapag-isa.

Hindi na matandaan ni Alex kung ano ang sagot ni Lloyd sa kanyang tanong. Alam niyang nagpaliwanag ito subalit ang paliwanag na yun ay nabura ng alaalang niyaya siya nitong magtalik pagkatapos humupa ang pagpatak ng kanyang mga luha.

Nang sumunod na umaga ay parang walang nangyaring unos sa relasyon nilang dalawa. Subalit alam ni Alex na para na siyang naglalakad sa alambre mula noon, naghihintay kung kaylan iihip ang hangin upang ihulog siya pabulusok sa isang napakalalim na bangin. At sa tingin ni Alex, ang pagtatalik na iyon ang pinakamasarap na naganap sa kanilang dalawa. Ang pagtatalik na simula ng kanilang unti-unting pagpapaalam sa isa’t-isa.

y

“Officemate mo ba yung kaibigan mo?” tanong bigla ni Danny kay Alex nang pababa na sila ng taxi. Nasa harap na sila ng simbahan.

Sandaling pinagmasdan ni Alex ang simbahan mula sa kalsada. Naalala niyang bigla ang kanyang ama.

”Alex?” siniko siya ni Danny. ”Okey ka lang?”

Tila naalimpungatan na tumingin si Alex kay Danny. ”Hah? Bakit?”

”Tinatanong lang kita kung officemate mo ba yung kaibigan mo eh natulala ka na,” paghingi ng paliwanag ni Danny.

“H-hindi,” sagot ni Alex na nagtataka sa mga tanong ni Danny. ”Alam mo namang di ako out sa opisina.”

”Bading rin ba?” tuloy ang pagtatanong ni Danny.

Tumango siya. Nag-umpisang maglalakad. “Alam mo, ang dami mong tanong? Gutom lang yan. Breakfast muna kaya tayo sa Shopping? Tutal, wala pa naman ang mga ikakasal.”

Habang nag-aalmusal sina Alex at Danny, pilit na iwinawaksi ni Alex sa isip niya ang larawan ng kanyang ama at ng simbahan. “Kumusta ka na? tanong bigla ni Danny. Mukhang malalim ang iyong iniisip."

Ngumiti si Alex, “Kanina ka pa Danny. Ano ba talaga ang gusto mong mangyari?”

Napangiti na rin si Danny habang napailing naman si Alex.

“Bakit parang ang lungkot-lungkot mo?” tanong ni Danny kay Alex. Gabi na. Pauwi na sila sakay ng isang FX patungong Guadalupe. Tapos na ang kasal. Tapos na rin ang pagtipon-tipon nilang magbabarkada sa Pembo. Tatlo lang silang lulan ng sasakyan kasama na ang driver.

Ngumiti nang pilit si Alex at sinagot si Danny ng sa tingin niya ay nararapat lang sa mga tanong nito. “Dahil wala pa rin akong boyfriend Danny. Dahil hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin ang bagay na makakapagpasaya sa akin.” Naisip bigla ni Alex ang rosaryong nakapulupot sa mga kamay niya sa kanyang panaginip noong umagang iyon. “Magpari na lang kaya ako Danny. Pakiramdam ko, sa piling ng Diyos lang talaga ako liligaya. Hindi dito sa makamundong hangarin ko.”

Natawa si Danny. “Hindi ka bagay sa simbahan. Alam mo na iyon mula nang natanggap mo kung ano ka. Alam mong lalo ka lang magkakasala sa loob. Huwag mong gawing takbuhan ang Diyos dahil desperado kang makahanap ng relasyon."

Sandaling natahimik si Danny.

"At saka, narito naman ako para sa iyo Alex. Boyfriend mo pa naman ako hanggang ngayon, di ba? Hindi ko maalalang nag-break tayo. Baka sa akin ka nga talaga sasaya. Ang dami mo lang naman dini-date na iba ngayon kaya hindi ko pinagsisiksikan ang sarili ko.”

Nagulat si Alex sa sinabi ni Danny. Hindi siya sumagot agad. Gusto niyang matawa, matuwa, maiyak, magwala. Oo nga naman, narito si Danny, buhay na buhay na nasa tabi niya, bakit ba niya hahanapin sa Diyos ang kaligayahan niya?

Ngunit alam niyang may sagot sa kanyang katanungan. Isang sagot na kahit na ano pa man ang sabihin niya na taliwas dito ay masakit pa ring sagot. ”May asawa ka na,” dahan-dahan niyang sinabi kay Danny.

Hindi nakaimik si Danny. Matagal silang nabalot ng katahimikan. Pinigil ni Alex na gumalaw ang kanyang mga kamay. Sa kabuuan ng biyahe ay itinago na niya ang mga ito sa ilalim ng kanyang mga pige. Ikinulong. Hindi niya hinayaang magkaroon siya ng pagkakataon na hawakan si Danny at muling angkinin.

Tuloy ang takbo ng FX.

y

Si Danny ang unang kasintahan ni Alex. Naging sila dalawang taon na ang nakakaraan sa loob lang ng dalawang buwan. Kababayan niya ito sa Sorsogon. Tatlong taon ang tanda niya dito.

High school pa lang si Danny ay may gusto na si Alex dito. Magkokolehiyo si Alex noon nang nagkakilala sila. Kasamahan niya ito sa Youth Charismatic Movement ng kanilang bayan. Sumali siya sa grupo noong bakasyong iyon bago siya pumasok ng kolehiyo para sana hanapin muli ang lugar ng Diyos sa kanyang buhay pagkatapos niyang nakilala ang daigdig ng kamunduhan.

Maputi si Danny. Mestisuhin. Pantay-pantay ang mga ngipin. Ngunit hindi sa pisikal na kaanyuan ni Danny tuluyang nahulog si Alex. Mabait din ito. Masarap kausap. At may isyung nakabalot sa katauhan. Higit sa lahat, ang pagiging anak sa labas ni Danny at ang pagkakaroon ng ina nito ng kabit na tomboy, ang tuluyang humigop kay Alex para magustuhan si Danny. Noon pa man, naaakit na siya sa mga lalaking sa palagay niya ay may malalaking problemang katulad nina Lloyd at Danny. Gustung-gustong ilaro ni Alex sa kanyang isip na siya ang magiging hingaan ng sama ng loob ng mga lalaking iyon.

Kinaibigan ni Alex si Danny. Binarkada. Niyaya sa mga inuman tuwing nauuwi siya ng bayan nila kapag wala siyang pasok sa kolehiyo. Isinama sa mga lakad nilang magkakaibigan.

Sa isang inuman sa bahay ng kaibigan niyang si Peter, sumobra ang tama niya at tinangka niyang halikan si Danny. Pumalag si Danny sa umpisa ngunit dahil sa pagpupursige ni Alex at sa kalasingan ni Danny kaya ito ay walang nagawa kundi magpaubaya. Ngunit hanggang iyon lang ang nagawa ni Alex dahil nagyayang umuwi na ang isang kaibigan ni Danny. Hindi na napigilan nina Alex at Peter ang mga ito. Inihatid nilang magkakaibigan sina Danny sa sakayan ng tricycle.

Hindi na kinausap ni Danny si Alex kinabukasan. Nagalit ito. ”Nag-take advantage ka raw sa pagiging magkaibigan ninyo,” sisi ni Peter kay Alex. Hindi na nagpumilit si Alex na makipagkasundo. Kung ayaw niya di huwag, pagmamalaki niya. Noon pa man ay hindi na madali sa kanyang ipaglaban ang nararamdaman.

Nakapagtapos ng kolehiyo si Alex at nakapagtrabaho na sa Maynila ngunit iilang beses lang uli sila nagkasalubong ng landas ni Danny. Hanggang hi at hello na lang ang nababanggit nila pag nagkikita. Wala man lamang kumustahan.

Dalawang taon nang nagtratrabaho si Alex sa Maynila nang nagkita silang muli ni Danny. Wala na ang pagmamalaki nila sa isa’t-isa. Naging magkalapit na naman ang loob nila. Dahil siguro sa lungkot at hirap ng buhay-Maynila kaya hindi na nailang sa kanya si Danny. Nagtratrabaho nang mga panahon iyon bilang sales clerk si Danny sa isang tindahan ng mga kagamitang pang-bahay.

“Diri man siguro dahil sa pagkamundo,” paliwanag ng kaibigan niyang si Sherwin na walang kaalam-alam sa pagkakagustong napupukaw sa puso ni Alex para dito, na hindi kalungkutan ang dahilan kung bakit naging magkaibigang muli sila ni Danny. Nasa Chow King sila sa SM City at hinihintay ang paglabas ni Danny sa duty nito. “Nag-mature lang siguro kamo pareho.”

“Whatever,” ngiti ni Alex. “Ang mahalaga magkaibigan na kaming muli.”

Hindi na nagsalita si Sherwin. Tuloy ang pagnguya nito sa malalaking yelo ng halu-halo habang ninanakawan ni Alex ng mga makahulugang tingin.

y

“Pero di kami nag-sex ni Danny,” palaging dagdag ni Alex kapag naikukuwento niya ang nangyari sa kanila ni Danny sa kanyang mga kaibigan. “At hindi siya bading no.”

“Akala mo lang yun,” puna ni Vince. Umuwi ito mula sa Texas noong nakaraang Pasko para bisitahin ang pamilya at ang kasintahan nito ng dalawang taon na kaibigan na rin ni Alex. Nasa Café Figaro sila sa Glorietta sa huling linggo ng Disyembre. “Saka, sino naman ang maniniwala na walang nangyari sa inyo? Di ba naging magdyowa kayo?”

“Oo nga,” paliwanag ni Alex. “Pero yung pag-agree ko na magkaroon kami ng relasyon ay delayed reaction ko sa aking naramdaman sa kanya noong nag-uumpisa pa lamang ang aming pagiging magkaibigan. Isa pa, nang nagkasundo kaming maging magdyowa, siya dahil sa akin lang daw siya pupuwedeng makipag-relasyon kung sa bading din lang, at ako dahil frustrated na ako sa aking pag-asam na magugustuhan ni Sherwin, ay out of deep respect na lang namin sa isa’t-isa. Wala na yung dating kalibugan. Kaya siguro madali ring nawala. Lalo na at close na kami ni Sherwin noon, pero iba nang istorya yun.”

Wala pa rin ang paniniwala sa mga mata ni Vince.

You don’t have to believe me, diin ni Alex sa patuloy na pagdedepensa sa sarili kay Vince. Nasa apartment na sila na inuupahan ng magkasintahan. Wa’ na ako care kung naniniwala ka man o hindi. O maging kayong dalawang magdyowa. Frankly my dears, ‘no, wala na akong paki.“ Sabay irap sa hindi pa rin pag-amin na minsan nasuso niya si Danny pero hindi ito nakaraos.

Natawa si Vince at kinindatan ang kasintahang si Arnold. “Here we are again. Lumalabas na naman ang pagka-artista ng isa dito.”

Hindi na umimik si Alex. Inikot niya ang kanyang mga mata sa kuwartong tinutulugan ng magkasintahan. Sinuri ang bawat sulok. Natuwa siya sa kanyang sarili nang malaman na wala na ang mga bakas ng mga gulong naranasan ng silid nang dahil sa mga away ng kanyang mga kaibigan: ang wasak na seradura ng pintuan, ang basag na salamin ng aparador, ang warak na telepono, ang putol na isang paa ng kama. Matatag lang siguro ang pagmamahalan ng dalawa. Hindi na basta mabubuwag ang pag-ibig at pag-uunawaang umusbong na nang tuluyan at nagtali sa dalawa para tumagal ng mahigit sa dalawang taon nang pagsasama. Si Vince na nakatutok na ang buong katinuan sa kasintahan. At ang kasintahan nitong si Arnold, na ang pagmamahal kay Vince ay inakala ni Alex na larawan ng isang matibay na pader na hindi na mapapabagsak kaylanman ng kung ano mang unos.

Nilingon ni Alex ang nakaupo sa kamang si Arnold. Bakit nga ba hindi niya kaya ang lakas ng loob nitong ipaglaban ang pag-ibig. Bakit ba napaladaling sumuko sa bawat pagkalulong niya sa pagmamahal lalo na at alam niyang wala nang dapat pang ipaglaban para panatilihin ito? Tulad nga ng pagmamahal niya noon kay Sherwin. At ang pagmamahal niya noong Enero kay Lloyd.

“Ano na ba ang lagay ninyo ni Lloyd?“ tanong ni Arnold kay Alex, limang araw bago ang kasal ni Marie sa UP. Bumalik na noon sa Texas si Vince habang nasa McDonald’s Greenbelt naman sina Alex, Orlan, at Arnold. Mapayapa at mabituin ang gabing iyon ng Enero sa Makati.

“Friends pa rin kami,” sagot ni Alex.

“So what else is new?” puna ni Arnold. “Eh, mahal mo nga bang talaga si Lloyd?”

“Di ko alam. Maybe. Ayokong aminin sa sarili ko dahil deep inside alam kong walang mangyayari sa amin. Sinabi na niya sa akin na hindi pa siya ready. Hanggang ngayon, mahal pa nga niya siguro ang ex niya.”

“Eh, bakit nariyan ka pa rin?“ si Orlan. “Umaasa ka pa bang magugustuhan ka ni Lloyd kapag nalimutan na nun yung ex niya? Asa ka pa ‘no? Magising ka na diyan sa bangungot mo bakla.

Gustong pagdiinan ni Alex na kakayanin niya ang pagbabalewala ni Lloyd sa kanyang nararamdaman hanggang kaya niya. Kahit sabihin pa ng mga kaibigan niyang marami namang ibang puwedeng pag-ukulan ng pagmamahal, hindi niya gagawing ibaling sa iba ang pagtingin. Sawang-sawa na si Alex sa pagsuko. Sa pagkakataong iyon, nais niyang ipaglaban ang minimithi ng kanyang puso.

Ngunit napakahirap palang gawin iyon. Sa mga sumunod na araw, nalaman ni Alex kung anong klaseng tapang ang kailangan para matumbasan niya ang lakas ng loob na ipinaramdam ni Arnold para ipaglaban ang pagmamahal nito kay Vince at ni Orlan para patagalin ng halos apat na taon ang relasyon nito sa dating kasintahang naglaho nang parang bula nang nakapag-asawa.

Unti-unti, dumating kay Alex ang pagsuko. Hindi pa niya alam noon na katulad niya, bago natapos ang taon, nakaramdam din ng pagsuko sina Arnold at Orlan.

y

Kahit ilang ulit pang tawa ni Alex, hindi pa rin niya naikubli ang mga kurot sa puso na dulot ng walang pagdadalawang-isip na pagtanggap ni Lloyd sa mga parinig ni Boboy, isa sa mga bisita sa isang munting pagdiriwang sa bahay ni Lloyd. Sabihin man niya nang paulit-ulit sa sarili na wala siyang karapatang masaktan dahil wala naman silang relasyon ni Lloyd, hindi pa rin naalis ang kung anong hapding naramdaman niya lalo na nang pumagitna sa kanilang pagkakahiga sa sofa bed si Boboy.

Hindi umimik si Alex. Ayaw niyang gumawa ng maling hakbang. Naisip niya na hindi na niya gagawin ang dati niyang reaksiyon sa katulad na sitwasyon. Hindi na siya bata kaya hindi siya aalis nang walang paalam. Kailangan niyang magtimpi.

Naghintay ng ilang minuto si Alex habang pilit siyang inaalo ni Lloyd sa pamamagitan ng paghipo nito sa kanyang braso at paglipat ng pagkakahiga sa pagitan nilang dalawa ni Boboy. Ngunit sa gilid ng hindi na halos kumurap na mata ni Alex, nakita niya ang pagdausdos ng kamay ni Lloyd sa harapan ng suot na panloob ni Boboy. Muli, sinalakay si Alex ng mga kurot sa kanyang puso. Nanikip ang kanyang dibdib. Naramdaman niyang para siyang itinutulak ng palakas na palakas na hangin sa pagtulay sa isang manipis na alambre. Tumingin siya sa kanyang paanan at nahilo sa napakalawak na kadilimang naghihintay sa kanya. Naghabol siya ng hininga.

Tumayo si Alex nang dahan-dahan at tinungo ang palikuran. Naramdaman niya sa likod ng kanyang ulo ang pagtagos ng titig nina Lloyd at Boboy sa kanya. Hindi siya lumingon sa dalawa. Kinausap niya ang sarili sa salamin ng palikuran kung kaya pa niya ang nangyayari. Pinilit niyang papatakin ang kanyang mga luha ngunit walang kapayapaan na bumaba sa kanyang mga mata.

Tumuloy siya sa hapag-kainan nang bumalik siya sa salas at nag-ayos ng mga kalat na naiwan ng mga nagsiuwian nang kasali sa kasayahan. Tumulong sa kanya si Raphael, isa sa mga kaibigan nila ni Lloyd. “Bukas niyo na gawin yan,“ pakiusap ni Lloyd na kayakap pa rin si Boboy. Hindi siya umimik at ipinagpatuloy ang ginagawa.

Nang nakauwi na si Boboy, may binulong si Lloyd sa kanya. Selos ka ‘no? kantiyaw nito. Pilit ang ngiti ni Alex. “Siguro nga,“ sagot niya. “Pero hindi ko rin alam.

Ang alam ko lang, sulat niya sa kanyang journal kinabukasan, nakita ko ang sarili ko sa kaibigan natin. Na puwede mo palang pagbigyan ang mga pantasya ng kung sino mang magkakagusto sa iyo. Hindi nga pala talaga ako mahalaga sa iyo. Isa lang ako sa kanila. Hindi ako umimik dahil masakit palang tanggapin ang katotohanan. Na ako kaylanman, ay hindi magiging espesyal sa iyong paningin.

Lalong napatunayan ni Alex ang lugar niya sa puso ni Lloyd nang isang araw ay naisipan ng dati nitong kasintahan na tumira ng ilang araw sa bahay ni Lloyd. Nalito si Lloyd sa desisyun ni Bernie. Tumawag ito sa opisina ni Alex at nagkuwento. Humingi ng tulong.

Nagbigay siya ng oras ng kanyang pagpunta sa bahay ni Lloyd. Sige, mag-usap tayo mamaya, sinabi niya kay Lloyd.

Ilang beses siyang tumawag kay Lloyd bago pumunta ng Quezon City mula sa kanyang opisina para sabihing papunta na siya. Nasa McDonald’s Quezon Avenue siya nang nakita niyang dumaan ang kotse nito. Tumayo si Alex at tinungo ang bahay ni Lloyd.

Sa tingin ni Alex ay hindi magkandaugaga si Lloyd nang pagbuksan siya nito ng gate. Nasa telepono raw si Bernie kaya agad-agad itong bumalik ng bahay nang nabuksan ang gate. Habang naglalakad siya palapit sa pintuan ng bahay ni Lloyd ay naramdaman niya ang muling paggalaw ng alambreng kanyang tinutulayan. Nakita niyang malayo pa ang kabilang dulo ng bangin subalit hindi na siya halos makagalaw sa gitna sa lakas ng ihip ng hangin. Wala na ang mga bulalakaw sa dilim.

Tumunog ang telepono nang nasa sala na si Alex. Sinagot ito ni Lloyd at sa likod ng bahay nakipag-usap. Tinungo ni Alex ang kuwarto ni Lloyd at hinayaan niyang lamunin siya ng kadiliman ng silid. Nahiga siya sa kama at matagal na tumitig sa kisame habang naririnig niya ang pakikipag-usap ni Lloyd sa dati nitong kasintahan.

Mahal mo pa rin siya, muli, ang kanyang journal na naman ang napagbuntungan ni Alex. Kahit ano pa ang sabihin mo sa akin na salungat sa pangungusap na iyon ay di kita paniniwalaan. Nakita ko kahapon kung paano ka naapektuhan ng kanyang mga tawag at mga desisyon. Maaaring nasasabi ko ito sa punto ko bilang nagmamahal sa iyo pero natanggap ko na nga sa aking sarili kahit na masakit na hanggang magkaibigan lang talaga tayo na siya mong sinabi sa kanyang sitwasyon natin sa telepono. Oo, talagang nasasaktan ako pero hindi bida sa araw na ito ang aking nararamdaman, at gusto ko namang ipaalam ang aking one-cent worth of advise sa nangyayari sa inyo.

Tumigil si Alex sa pagtipa sa kanyang laptop at kinusot ang mata.

Sana nga matapos na itong nangyayari sa inyong dalawa, pagpapatuloy ni Alex. Panahon na para kumprontahin ninyo ang inyong mga sarili. Sige, hindi ko masasabi sa kanya yun dahil di ko naman siya kilala pa. Pero ikaw, sa palagay ko naman ay kilala na kita. Hindi pa man ganoon kalalim ngunit sa magtatatlong buwan na nating pagiging magkaibigan, nababasa ko na rin ang ilan sa iyong katangian at kagustuhan. At uulitin ko, mahal mo pa siya.

Nasabi ko ito dahil hindi mo pa rin mabitawan ang galit mo sa mga nangyari sa inyo. Alam ko dahil nangyari na sa akin na maaaring ibang sitwasyon ngunit halos parehong mga emosyon ang kasali. Nahihirapan ka ngang bitawan ang mga alaala niya. At habang di mo nagagawa yun, mananatili kang nakakulong sa kanyang anino. Hindi ko alam kung paano mo siya tuluyang bibitiwan pero hindi na siguro kailangang mag-usap pa kayo at sumbatan siya sa mga nangyari at hingan ng mga paliwanag. Kailangan lang kausapin mo ang iyong sarili na wala ka nang magagawa pa, hindi mo kasalanan ang lahat at pinapatawad mo na siya. Kung paano mo ito gagawin ay ikaw na ang magdedesisyon. Huwag mo lang idahilan sa akin na wala kang panahon. Kailangan mo nang gawin ito para mapanatag ang kalooban mo at magkaroon ka ng bagong kabanata sa iyong buhay-pag-ibig. Na alam ko naman na maaaring hindi talaga sa akin kundi kung kaninong iba pa.

Isinara ni Alex ang laptop pagkatapos. Nagdalawang-isip siya kung dapat pa niyang ipadala ang kanyang mga bagong sulat sa journal niya kay Lloyd. Nag-alala siya na labis na mabigat ang mga nilalaman nito na posibleng ikagalit ni Lloyd.

Nagpasya siyang huwag munang ipadala ang kanyang mga sulat. Noong gabing iyon ay nagbihis si Alex at nagdesisyong matulog sa bahay ni Lloyd. Tulog na ito nang dumating siya. Ginamit niya ang nahiram niyang susi. Nagpalit siya ng damit pantulog at tumabi kay Lloyd. Kinabukasan ay kasal ng kaibigan niyang si Marie.

y

“Saan tayo ngayon?” tanong ni Danny kay Alex nang nakababa sila ng FX.

“Uuwi na,” sagot kaagad ni Alex bilang pag-iwas sa ibig tukuyin ni Danny. Ayaw na niyang ulitin ang ginawa niya dati kay Danny. Pumayag siyang maging kasintahan nito noon kahit alam niyang si Sherwin ang kanyang mahal. Alam niyang hindi kaylanman magiging sapat ang pagmamahal niya kay Danny dahil si Lloyd naman ang sinisigaw ng kanyang puso sa panahong iyon. Ayaw niyang maging unfair dito. Kailangan muna niyang asikasuhin ang kalagayan nila ni Lloyd bago siya muling makipagkita kay Danny. Kailangan munang tapusin niya ang kanyang bangungot. Dapat na siyang magising. Dapat na siyang tumigil sa pagtulay sa alambre, magdesisyong tumalon na sa hangin, at gamiting muli ang kanyang mga pakpak sa pagbalik sa banging pinagmulan, may mga bulalakaw man o wala sa kadiliman. O dili kaya ay bumalik sa pananampalatayang matagal na niyang tinalikuran.

Pa’no? tanong muli ni Danny.

Sige na, ngiti ni Alex. Umuwi ka na. Gabi na eh. Hindi na niya dinagdag na hahanapin na ito ng asawa. Alam niyang hindi masaya si Danny sa babaing pinakasalan. Hindi nito mahal ang napangasawa. Ngunit alam din niyang hindi dahil sa siya ang mahal nito kaya nasabi ni Danny na sila pa rin ang dapat na magkasintahan. Katulad niya, nilalamon rin si Danny ng kalungkutang dulot ng paghahanap sa tunay na pagmamahal.

Ikaw? hindi inalis ni Danny ang titig kay Alex.

“Uuwi na rin ako,” umiwas si Alex ng tingin. “Salamat sa pagsama mo sa akin. Ginulat mo naman ako sa tanong mo kanina. Pag-usapan na lang natin sa susunod kung ano man ang dapat mangyari sa ating dalawa. Okey lang ba?”

“Huwag mo nang bigyan ng pansin ang sinabi ko,” napangiti si Danny. “Yun na lang yun. O, pa’no, sakay na ako dito.”

“Magtawagan na lang tayo,” pamamaalam ni Alex. “Mag-ingat ka.”

Hinawakan ni Danny ang kamay ni Alex. Hindi pa rin naalis ang ngiti nito. Matagal silang nagtitigan nang walang sinasabi. Bumitaw si Alex. Nandiyan na ang bus mo. I’ll call you.

Sumakay ng bus si Danny nang walang lingun-lingon. Hindi tuminag sa pagkakatayo si Alex ng ilang minuto habang nagpapaalam sa hangin. Kailangan na nga niya munang magising. At hindi kailangang si Danny ang naroon sa kanyang pagkagising.

Umakyat si Alex sa overpass ng Guadalupe at muling tumingin sa dakong pinaglahuan ng bus na sinakyan ni Danny. Ramdam ni Alex na maraming buwan muna ang lilipas bago sila magkikitang muli ni Danny.

Umuwi si Alex sa bahay nila sa Bicutan ng gabing iyon. Hindi na niya tinawagan si Lloyd na hindi siya matutulog sa bahay nito. Alam niyang hindi na kailangan.

Binuksan niya ang kanyang journal na nakatago sa kanyang laptop at muling nagsulat. Napag-isip-isip ko na kailangang magpahinga muna ako sa pakikipagkita sa iyo, dugtong ni Alex sa naputol niyang sulat para kay Lloyd ng nakaraang gabi. Gusto ko nang malaman sa aking sarili kung tama nga ang nararamdaman ko sa ‘yo. Kailangan ko ito para sa kapayapaan ko.

Kulang pa pala ang lakas ko para kumapit sa pag-ibig ko sa iyo. Mas mahal ko pa nga siguro ang aking sarili. Mas gusto ko pa rin sigurong mapanatili ang dignidad ko kaysa makipaglaban na parang wala na akong ibang kasiyahang mararanasan kung hindi rin lang ikaw ang kasama ko. Alam kong somewhere out there ay naroon siya. Ang taong para sa akin talaga. Sana makayanan ko ang mga panibagong hirap sa paghahanap ko sa kanya, kung sino man siya.

Tumayo si Alex nang natapos ang pagsusulat. Binuksan ang bintana ng kanyang kuwarto at sumilip sa dilim ng kalsada. Naghikab siya.

Anong klase ba talagang kaligayahan ang hanap ko? pagtatanong ni Alex sa sarili. Tama ba ang sitwasyong hinahanapan ko ng aking kaligayahan?

Naalala niya ang sinabi niya kay Danny na pagdedesisyung suwayin na nang tuluyan ang kanyang ama at pumasok na ng seminaryo. Ano kaya kung gawin na niya? Panahon na para harapin niya ang kanyang ama. Napailing si Alex. Hindi. Hindi niya dapat gawing kanlungan sa kanyang pagtakas sa kalungkutan ang simbahan. Marami pang ibang pagkakataon. Isa pa, marami na siyang nagawang kamalian. Matatanggap pa ba ng Diyos ang masalimuot niyang nakaraan?

Napabuntung-hininga si Alex. Hindi na niya kayang labanan ang antok na nararamdaman. Gusto nang pumikit ng kanyang mga mata. Gusto nang mahiga, muling matulog nang pagod na niyang katawan. Sige, napag-desisyunan niya, kung sakaling hindi pa niya mahahanap ang isang lalaking makakatuwang niya sa hinahanap niyang kaligayahan bago matapos ang taon, itutuloy na niya ang matagal na niyang kagustuhang maglingkod sa Diyos. Hindi na nga siya bata at kailangan na niyang magdesisyun pumayag man o hindi ang kanyang ama. Kailangan na niyang magapi ang mga bangungot na dulot ng kanyang pagkagising. Kailangan na niyang harapin ang ano mang dala ng kanyang mga pangarap sa gabing iyon.

Kahit sa gabing iyon lang muna. Bahala na ang Diyos sa mga susunod pa.