sa convenience store sa kanto,
yung kapitbahayan ng mga tricycle
na puno ng sarisaring tao,
mula bukang-liwayway hanggang dapithapon
hanggang magdamag hanggang sa susunod na araw,
doon kita unang napansin
habang inuubos mo ang ice cream
na binili lang ng tingi
dito sa bayan nating sanay sa pakunti-konti.
isang sachet ng shampoo
kadikit na ang conditioner, at maliit na sabon din
para sa isang paligo.
kape, creamer, asukal, tsokolate
pati palaman, tinapay, noodles
para sa isang agahan.
tubig, kendi, sigarilyo
underwear, underarm lotion, pasa load
para sa isang maghapon ng buhay.
Pati nga ba ang pag-ibig?
Inubos natin ng isang linggo ang isang dosenang halik.
isang buong oras na kapaan sa sinehan
at halos tatlong gabing nakahubad ka sa aking silid,
ninanamnam ang bawat patak ng aking pawis.
hanggang sa nasimot ang libog
at muli na namang naghanap
ng ibang pupuno sa kakarampot
na ligayang hindi kaagad makita,
mag-uumit muli ng ngiti, tuwa, kapiranggot na saya,
sa manipis na nating dibdib ng walang katapusang pag-iisa.
Monday, June 26, 2006
Subscribe to:
Posts (Atom)