Hindi ka mapakali. Kanina ka pa nakahiga sa kama mo pero hindi mo pa rin maipikit ang iyong mga mata. May hinahanap kang kulang ngayong gabi. May hinahanap kang kakaibang pakiramdam na ilang araw mo na ring pilit na kinakalimutan. Pilit na binabalewala.
Ngunit sa gabing ito ay hindi ka na makakapagpigil. Babangon ka sa iyong pagkakahiga. Magbibihis at lalabas ng bahay. Sasakay sa jeep hanggang sa matatagpuan mo ang taong makakapagbalik sa iyong nawawalang pakiramdam.
Iyon, ang taong yun na nakatayo malapit sa inabandonang phone booth sa gilid ng kalsada. Papara ka dahil kinakailangan mo nang bumaba ng jeep. Lalapitan mo siya. Ilalabas mo ang iyong sigarilyo. Makikisindi ka.
“Pwedeng makisindi?”
Kukunin mo ang sigarilyo niya. Hihithit ka nang dahan-dahan. Ngingiti ka pagkatapos mong bumuga. Kakausapin mo siya.
”Thanks. Anong oras na ba?”
“W-wala akong relo eh,”
Ayan, sinagot ka na niya. Didiskartehan mo na. Dali na, nangangati ka na, di ba? Huwag mo nang palalagpasin. “Hindi pa naman siguro hatinggabi. Pwede pa tayong pumunta sa kung saan.”
“S-saan mo naman gustong pumunta?”
“Sa langit saan pa.”
“Hindi ako nagmomotel. Nakakahiya.”
“Hindi motel ang ibig kong sabihin. Pwede naman akong sumama sa iyo kahit saan mo dalhin.”
“Magkano ba? Wala akong pera eh. Di pa ako sumusuweldo.”
“Don’t worry, mura lang ako.”
“Baka naman mamaya tagain mo ako, hindi kita mabayaran.”
“Pwede na sa iyo ang eight hundred?”
”Ang mahal naman. Three hundred lang ang kaya ko.”
”Mababa. Six fifty.”
Kukunin mo ang kamay niya. Ihahagod mo sa harapan ng maong mo. Hahayaan mong pisilin niya ang bukol mo. Hindi mo bibitawan ang kamay niya hanggang hindi pa niya nararamdaman ang iyong kabuuan.
”Okey ba?”
”Three hundred lang talaga.”
Huwag ka nang makipagtawaran. Pwede na yan. Hindi naman pera ang kailangan mo, di ba?
”Halika na. Baka may pulis pang makatiyempo sa atin dito. Ma-bagansiya pa tayo.”
“Heto na ang taxi.”
Tatanungin mo sya kung saan nakatira at kung may kasama sa bahay. Mahirap na. Baka masayang lang ang gabing ito. Kailangang hindi ka mamukhaan na kasama niya. “Malayo ba sa inyo?”
“Sakay na. Manong, sa Cubao ho. Sa may E Rodriguez.”
Muli mong hahawakan ang kamay niya. Ipapatong mo sa iyong kaliwang hita na hindi mahahalata ng driver. Muli mong ipapahawak ang pintog ng pagnanasa mo.
“Mama, kanan po tayo dyan. Sa tabi na lang ho.”
Masuwerte ka. Wala na'ng mga tao dito sa labas ng kalsada nila. Pero huwag ka pa ring didikit sa kanya para hindi halatang kasama mo siya. Tahimik ka lang na susunod. Nararamdaman mo na ba ang kaba?
”Halika na sa loob. Dahan-dahan ang pasok ha. Hindi ko pa sigurado kung tulog na si Mommy.”
Tatanungin mo nang pabulong kung may kasama pa siya maliban sa nanay niya. ”Ilan ba kayo dito?”
”Dalawa lang kami ni Mommy. Sa taas siya natutulog. Dito ako sa baba. Itong kuwarto ko. Pasok ka. Sisilipin ko lang ang Mommy. Sandali lang ha.”
Malaki ang bahay nila kung para sa dalawang tao lang. Malaki rin ang kuwarto niya para sa iisang tao. Para lang maliit dahil sa napakaraming nakatambak na libro. Walang gaanong dekorasyon ang silid. Iisang poster lang ng isang banyagang artistang lalaki ang nakadikit sa dingding. River Phoenix, 1970-1993.
Malaki ang kama. Mukhang malinis at bagong laba ang pulang-pulang kubrekama. Malambot. Masarap sigurong mahiga sa kanyang kama.
Ahh. Tamang-tama ang dilim ng ilaw sa gagawin mo. Mukhang susuwertehin ka ngayong gabi. Nararamdaman mong bumibilis na ang tibok ng iyong puso. Nag-uumpisa nang kumulo ang iyong dugo.
”Okey na. Tulog na ang Mommy. Hindi na niya tayo maririnig."
"Andami mo namang libro. Hilig mo sigurongmagbasa." Huwag nang marami pang tinatanong!
"Oo. Paborito ko nga ang mga mystery and crime stories eh. Gusto mo munang maligo?”
“Hindi na. Baka magtaka pa ang Mommy mo na may naliligo pa sa ganitong oras ng gabi dito sa bahay ninyo.”
“Don’t worry. Sanay na siya sa akin na late nang naliligo. Nakahubad kasi ako kung matulog. Kailangang malinis na malinis ang aking katawan para hindi madudumihan ang kama.”
“Sa sahig na lang tayo kung gusto mo. Halika na.” Nasasabik ka na. Dali na, hihilahin mo na siya palapit sa kama.
“Wait. Hindi naman natin kailangang magmadali. I wanna enjoy this moment with you. Bihira ko na ring magawa ito mula nang nagkasakit si Mommy. Okey lang ba?”
Naknamputsa naman oo at nagkukuwento pa. Umpisahan na. May ilang linggo na ring hindi mo nagagawa ito. Nabuburat ka na. Hihilahin mo na dapat ang kamay niya palapit sa ‘yo!
”Ano nga pala ang pangalan mo? Ako si Lean.”
Bigla kang tatayo mula sa pagkakaupo sa kama. Hahapitin mo na siya sa balikat. Sabay kayong mauupo sa kama habang yakap-yakap mo siya. Uumpisahan mong hahalikan ang batok niya.
”Wait. May kiliti ako diyan. Ayyy! Sandali lang."
Hindi ka titigil sa pagpapagapang ng iyong dila mula sa kanyang batok patungo sa kanyang kanang tenga.
"Sandali. May itatanong ako. May napansin ka bang nakakita sa atin nang pumasok tayo ng bahay.”
Uungol ka para sabihing wala kang nakita. Hihigpitan mo ang yakap sa kanya habang gagapang ang mga kamay mo sa katawan niya.
“Sigurado ka bang wala talaga? Magagalit kasi ang Mommy kapag nalaman niyang pinag-uusapan ako ng mga kapitbahay nang dahil sa pagpunta mo rito. Mabuti at hindi ka nakitang narito. Ano nga palang pangalan mo?”
“Ador.” Sinigurado mong walang nakakita sa'yo kanina. Hindi ka dapat makita ng mga tao na pumasok at lumabas sa bahay nila. Kaya kailangang tapusin mo na. Tumatakbo ang oras.
“Ador. Ano ba ang kaya mo, Ador? Ang sarap namang pakinggan ng pangalan mo. Ador. Parang minamahal ng marami. Simply adored. Kahangahanga. Sige, paligayahin mo ako Ador. Ganyan. Matagal ko na ring gustong hangaan ako. Ayaw lang ng Mommy. Simutin mo ang bango ko. Lamutakin mo ako. Ang sarap niyan. Dilaan mo pa ako diyan. Sobrang higpit minsan ng Mommy. Sing and dance ka ba, Ador?”
“Kahit ano, gagawin ko para sa ‘yo. Basta sa huli, gagawin ko rin ang gusto ko.”
”Ano ba ang gusto mo? Type mo ba ito Ador?”
Sige, hahayaan mo siyang sipsipin ang tenga mo. Dilaan ang leeg mo habang unti-unti kang maghuhubad. Tatanggalin mo na ang iyong t-shirt habang patuloy na binabasa ka ng laway niya. Itatapon mo sa tabi ng kama ang iyong pantalon. Gagapang ang mga kamay mo para hubaran din siya. Hahayaan mo na siyang magpakasasa. Magpakasawa. Dahil mayamaya, bago niya marating ang sukdulan...
”May binubulong ka Ador? Wait, nag-e-enjoy ka ba? Nasasarapan ka ba?”
”Mahalaga ba sa iyo kung nasasarapan ako?”
”Oo naman. Kailangan nasasarapan ka rin. Sayang naman ang oras mo sa akin kung hindi ka man lang mag-e-enjoy. Hindi lang naman siguro ang ibabayad ko ang pinunta mo dito.”
Hindi nga. Hindi pera. Ikaw, ikaw ang ipinunta ko dito. Ang dugong titilamsik sa gilit mong leeg ang pakay ko.
”Alam mo Ador, iba ka kung makatitig. Parang may sinasabi ang mga mata mo kapag natatahimik ka. Nahihiwagaan tuloy ako sa iyo. Ano ba ang misteryo sa likod ng iyong mga titig?”
Huwag mo nang hahayaang magsalita pa siya. Hahalikan mo na dapat. Mariin. Mapusok. Matagal. Hanggang halos hindi na siya makahinga.
Igagapang mo na rin ang mga kamay mo sa kanyang baywang, likod, dibdib, leeg. Ahh, kaysarap damhin ang mapuputi niyang leeg. Nararamdaman mo na ba ang pabilis nang takbo ng kanyang pulso? Naaalala mo tuloy si Joseph. Yung kauna-unahan sa kanilang lahat.
Ang tanga-tanga ng baklang yun. Sukat ba namang hintuan ka ng sasakyan niya habang naglalakad ka sa kahabaan ng Taft. Hindi ba niya alam na delikado yun at maaari siyang madisgrasya sa basta-bastang pagpi-pick-up ng kung sino. Ikaw pa ang natiyempuhan niya. Eh nanginginig ang kamay mo noon dahil hindi mo napuruhan ang pinatira ko sa iyong lasing na hahara-hara sa daan sa likod ng PWU. Akala niya siguro, isa ka sa mga callboy na nakatambay doon. Napagkamalan ka. Napukpok mo tuloy ng plorera ang ulo niya. Natawa na nga lang ako sa bigla niyang pagmamakaawa. Putang ina niya! Akala niya nagpapakana ka sa puwet. Ano ka, bakla ring katulad niya?
Kaya nang nakita mo ang dugong sumirit sa ulo niya ay tuwang-tuwa ka. Nailabas mo na rin ang galit mo. Ganun pala ang pakiramdam. Walang kasing-sarap na paglaya. Dugo lang pala ang kapalit sa mga gabing hindi ka makatulog dahil sa naipong galit sa iyong dibdib. Putang-ina kasing mga magulang mo. Bakit ka banila pinabayaang palakihin ng tiyahin mo? Putang ina nilang tatlo!
”Aray! Sandali Ador. Masakit. Dahan-dahanin mo naman ang kagat. Baka dumugo.”
”Pasensiya na. Masyado lang akong nadala.” Huwag ka nang humingi pa ng dispensa. Ituloy mo na!
Muli mo siyang hahagkan sa gilid ng labi. Pahihigain sa kama. Hahawakan ang kanyang mga kamay palayo sa kanyang ulo habang idinidiin mo ang iyong katawan sa kanyang katawan. Iindayog ka habang kinikiskis mo ang tumitigas mo nang ari sa kanya. Didilaan mo ang kanyang kili-kili. Sisipsipin mo ang kanyang utong. Tatakbuhin ng dila mo ang kahabaan ng kanyang tiyan hanggang sa kanyang likod. Padadapain mo siya at muling papatungan. Didilaan ang batok. Pababa. Hanggang sa mga pisngi ng kanyang likuran. Aabutin ng kamay mo ang kanyang ari para bayuhin. Babayuhin mo siya habang nilulunod mo ang kanyang likuran ng iyong laway.
Maghahanda ka na para saksakin siya nang patalikod. Igagapang mo ang isa mong kamay palapit sa iyong pantalon kung saan mo itinago ang maliit mong balisong. Ang balisong na itatarak mo sa kanyang likuran. Dali, habang tumitirik pa ang mga mata niya sa sarap. Kakapain mo ang balisong. Handang handa na siya para saksakin mo. Makukuha mo na ang balisong. Mahahawakan ito. Pinag-iisipan mo na kung papaano iuumang na sa likod niya ang balisong habang pabilis na pabilis ang paglalaro ng iyong dila.
“Sandali.”
Bumalikwas siya. Itatago mo sa iyong likod ang balisong.
“Ang Mommy! Mukhang nagising si Mommy. May narinig ka bang ingay mula sa taas?”
Hindi ka makakapagsalita. Hihingalin ka. Manghihinayang. Malapit na malapit na. Matatahimik ka na naman sana.
”Patayin natin ang ilaw para akalain niyang tulog na ako. Sandali lang ha.”
Hahabulin mo siya ng tingin sa gilid ng iyong mata habang ipinupuwesto mo sa iyong likod ang balisong para hindi niya makita. Hindi mo ipapahalata ang lakas ng tambol sa iyong dibdib at ang nag-aapoy mong mga mata. Magdedesisyun ka na oras na patayin niya ang ilaw ay tatakbuhin mo siya at gigilitin na ang leeg. Katulad ng mangilan-ngilan na ring pumik-ap sa iyo nitong mga nakaraang buwan. Papatayin mo silang lahat na mga bakla. Katulad ng gustong-gusto mong gawin sa tiyuhin mo sa probinsiya. Babasagin mo ang bungo ng putang inang bakla.
Didilim ang silid sa biglang pagpatay sa ilaw. Aaninagin mo siya. Tatayo ka palayo sa kama at palapit sa may switch ng ilaw. Papakinggan ang kanyang paggalaw upang undayin na ng saksak. Hihigpitan mo ang hawak sa balisong.
Pero hindi mo siya maaninag. Hindi mo makikita kung saan siya nakatayo. Hindi mo maririnig ang kanyang paghinga. Putang ina! Nasaan na ang putang inang bakla?
Magugulat ka sa malakas na pagpalo sa ulo mo. Mabubuwal ka. Mamimilipit sa sakit habang sunud-sunod ang pagpalo sa iyong katawan at ulo.
Huwag ang aking ulo!
Ahhhh! Anong nangyayari? Huh?! Sa wakas, may ilaw na!
Ang bakla. Nasaan ang putang-inang bakla? Hayun sa harap. Nakatayo ang bakla na may hawak na libro na nababalutan ng dugo. Ng aking dugo!
Huwag! Wala akong kasalanan sa iyo! Maawa ka!
”Putang ama mong kolboy ka!”
Matinis na matinis ang sigaw niya habang tuluyan nang dilim ang aking makikita.
30 Aug, 14 September 2004
-first and second edits