Tahimik ang madaling araw sa Masile.
Ang mga kuliglig ay di na makaawit pa sa antok
Na isinasambulat ng malapit nang magising na Haring Araw
Samantalang tayong dalawa
Habang sumasabay sa langoy nitong bangka
Pabalik sa lungsod ng ating pagkalimot
Ay nag-iingay.
Ang ating mga dibdib ay kahintulad sa malalaking tambol
Na dumadagundong
Ang ating mga kamay ay tila naglalagablab
Sa paglikha ng kakaibang apoy.
Ang ating mga sulyap ay sabay na pinapalaya
Ang mga titik at salitang kinikimkim
na nagbabaga sa likod ng mga labing nakasara.
At sa mahimbing na pagpapahinga
Ng mga nakapilang puno ng Bakawan
Sa tabi nitong binabaybay nating sapa,
Gising na gising na,
Iniluluwal, kasabay ng liwanag ng ating mga mata,
Ang masalimuot at matalinghaga
Nating pagnanasa.
Tahimik ang madaling araw sa Masile.
Ngunit sa kabila ng mga bundok, doon pa sa Kalinga,
Naghihinagpis, naghuhumiyaw sa pagkabalisa
Ang iyong asawa.
Ika-apat ng Agosto 1998, 18 July 2001