Ikaw Lang (Angela's Love)
Ikaw ang aking buong mundo,
Ang pag-ibig na matagal kong pinangarap
Sa mga gabing ang lamig ng kubrekama
Ang akin lang kapiling,
Sa mga tanghaling ang tangi kong kasalo
ay ang banaag ng telebisyon o ang tili ng radyo.
Ikaw lang ang aking mahal
Ang tangi kong buhay
Ang aking pangarap.
Ikaw ang bukang-liwayway
na matagal kong hinintay.
Ang lahat ng kasagutan sa aking pagbabakasakaling
Darating ang katapusan ng aking pagtitiis.
Sa mga hapon na ang tanging kaulayaw
ay ang angas ng mga naghahabulang sasakyan.
Ikaw lang ang aking ibig
Ang aking tanging bituin
Ang nag-iisang langit.
Ikaw ang tanging paraisong minimithi
Ng pusong pudpod na sa hungkag na pagsuyo.
Ang kabuuan ng pirapirasong ngiti
Sa mga umagang tanging kasama
Ay ang libu-libong pagbabalewala
at walang katuturang pagtawa.
Ikaw lang ang aking ngiti
Ang aking tanging liwanag
Ang aking kabuuan.
Ikaw lang na ang tanging hangad ay ang lahat ng akin.
Ikaw lang na ang aking puso, ang natatanging hiling.
Nagbabagang Luha (Version Four, Angela's Realization)
Hinangad ko ang iyong pag-ibig
Sa pag-aakalang ika’y karapatdapat.
Itinakwil ko ang lahat
Dahil sa pangako mong susuklian ang aking alay
Ng iyong tapat
At walang katapusang pagmamahal.
Hiniling kita sa langit
Sa pag-asang ikaw ang kasama sa kailanman.
Ibinigay ang lahat sa iyo
Pero ito pa sa akin ang iyong iginanti,
Ang pagdurog sa puso,
Ang pagguho ng aking mundo.
Naglaho ang lahat sa aking akala
Ngayong nagising, na ika'y wala na
Dibdib ko'y nawarak, luha'y nagbabaga
Mundo ko'y huminto, wala na ang saya
Puso ko’y tuliro sa hinanakit
Nilinlang mong labis ang aking dibdib
Ako’y naging baliw
Sa naupos mong mga pangako.
Tila ibong wala ng pakpak,
Isang bulaklak na nawalan ng halakhak.
Biglang natunaw ang hubad kong pangarap
Sa kasinungalingan at iyong pagpapanggap
Puso'y nag-aapoy, bakit nagdurusa
Nagbabagang luha, upos na'ng ligaya
Sa kabila ng lahat nitong luha at pait
Ako ay babangong may poot sa dibdib
Dugo mo'y dadanak, puso’y igaganti
Papatayin kita, ako’y magwawagi.
Sa kabila ng sakit na namuo sa dibdib
Ako ay gaganti, pupulbusin kita
Isa ka nang bangkay pagkatapos ko sa’yo
Saan ka man magtago, pupugutan kita ng ulo.