Wednesday, September 15, 2004

Bituin

Mamamatay ka sa paglimot,
sabi ng Nana Charing sa akin.
Isang gabing muntik nang kainin
ng araw ang buwan sa maliwanag na himpapawid.
Nakasalampak kaming magkatabi sa tapat ng bintana,
habang iniisa-isa niyang inaalis
ang aking mga puting buhok.

Ang iyong ganda ay kaparis ng isang bituin
tuwing nabubugnot ang buwan;
ngunit nananatiling nakatungo sa ulap
kapag nagyayabang ng kanyang iba't-ibang anyo
ang reyna ng mga hatinggabi.
Sa isang sulok ka nakakubli,
naghihintay sa takdang panahon ng iyong pagniningning muli.

Tandaan mo anak.
Huwag pumayag na makalimot ang madla
sa kagandahan mong bigay ng mga tala.
Kung hindi, ikaw ay malilibing
sa bawat liwanag at init ng mga bukang-liwayway.
Umiyak ako sa palda ng Nana Charing.
Kaylan ako magtatagumpay sa aking iibigin?

No comments: