Friday, January 16, 2004

Hatinggabi sa Gengali

Napadpad tayo sa tagong sulok ng Malate
Upang matakpan ang bawal na pagsamo
Sa pag-iisa ng ating mga katawan.

Dito sa liwanag ng mga pula at berdeng bumbilya
Ay magsisinungaling ka sa kasali
Sa pag-usbong ng natatangi mong pag-ibig.

Ako ay uupo lang sa isang tabi
At pagmamasdan kayo ng pakubli
Habang dahan-dahan kong ninanamnam itong serbesa.

Hatinggabi na sa Gengali
At sabay ng pagbukas ng libu-libong halakhakan sa pintuan
Ay nagtama ang aming mga mata ng iyong asawa.

Di na ako lumingon pa sa inyong dalawa.
Tumawa na rin ako nang tumawa sabay tungga sa alkohol.
Wala na akong dapat pang ipaghabol.

Tuesday, January 13, 2004

Kwaresma

Bumulwak ang galit ng bulkan
Nabiyak ang mukha ng kaparangan
Ngunit ang bulaklak sa bukid
Na itinuhog mo sa aking dibdib
Ay payapa pa ring nasa plorera
Sa altar ng Diyos ng Kwaresma.

Naghilom ang sugat ng lawa
Natuyuan ang kalawakan ng luha
Ngunit ang pabango sa bubog
Na ikinaskas mo sa aking leeg
Ay binasa ang labi ng dalagang
Nasa paanan ni Inang Maria.

Tumigil ang hiyaw ng hangin
Bumalik sa himpapawid ang halinghing
Ngunit ang taksil mong pagsuyo
Na idiniin mo sa aking puso
Ay kasabay kong ipinako, ibinitin
Sa kalbaryo, tuluyan kong inilibing.


17 November, 2000
sa umpisa ng proseso ng paglimot kay JB

Monday, January 12, 2004

Madaling-araw sa Masile

Tahimik ang madaling araw sa Masile.
Ang mga kuliglig ay di na makaawit pa sa antok
Na isinasambulat ng malapit nang magising na Haring Araw
Samantalang tayong dalawa
Habang sumasabay sa langoy nitong bangka
Pabalik sa lungsod ng ating pagkalimot
Ay nag-iingay.

Ang ating mga dibdib ay kahintulad sa malalaking tambol
Na dumadagundong
Ang ating mga kamay ay tila naglalagablab
Sa paglikha ng kakaibang apoy.
Ang ating mga sulyap ay sabay na pinapalaya
Ang mga titik at salitang kinikimkim
na nagbabaga sa likod ng mga labing nakasara.

At sa mahimbing na pagpapahinga
Ng mga nakapilang puno ng Bakawan
Sa tabi nitong binabaybay nating sapa,
Gising na gising na,
Iniluluwal, kasabay ng liwanag ng ating mga mata,
Ang masalimuot at matalinghaga
Nating pagnanasa.

Tahimik ang madaling araw sa Masile.
Ngunit sa kabila ng mga bundok, doon pa sa Kalinga,
Naghihinagpis, naghuhumiyaw sa pagkabalisa
Ang iyong asawa.


Ika-apat ng Agosto 1998, 18 July 2001

Friday, January 09, 2004

Limampu

Sa limampung taon kong pagkawala
Sa kabila ng mga bulubunduking
Kulay berde sa tag-araw,
Puti sa taglagas dahil sa lamig ng niyebe,
Na nagpalawak sa aking gabi-gabing paghihinagpis
Sa pagkalayo ko sa iyo
Aking ama, ina
Mahal kong kapatid, asawa
Mga anak,
Dahil sa digmaang binago ang ating mga alaala,
Narito akong muli
Kayakap ka, kayo
Aking kadugo
Kalahi
Sa iisang bansang nabakuran
Ng hindi pagkakaintindihan.
Paano na ang daan-daang araw na nagdaan
Na hindi ko man lang nalaman ang inyong mga pagbabago
O kayo ang sa akin,
Kung humihinga pa ba kayo
O kung buhay pa ba ako?
Saka na nga ang kuwento.
Ubusin na lang ang luhang
Para sa mga kabiguang hindi naranasan
Kamatayang hindi nadatnan
Libingang hindi na mapupuntahan.
Dahil pagkaraan ng tatlong gabi ay muli akong aalis
At babalik sa lupaing nagpalaki sa atin
Palayo sa iyong init,
upang muling mag-ipon ng luha
Maglubid ng alaala
maghintay ng panibagong
limampung taon sa pag-iisa.


21 aug, 4 dec 2k

Thursday, January 08, 2004

Paano

Paano kung iniibig kitang talaga

Tatakbo ka bang papalayo
Tulad ng nahihintakutang mandarambong
Sa tahol ng nakakakilalang aso

Pipikit ka lang ba at matutulog
Sa payak mong higaan pagkatapos
Ibaba ang tawag ko sa telepono

Tatawa ka ba ng malakas
Sabay tapik sa balikat ko
At paulit-ulit na iiling sa pagsuko

O ngingiti ka at ako’y yayakapin
Ng buo mong pagsuyo
Para sabihing iniibig mo rin ako?


Ngunit paano kung hindi mo ako mahal

Magdadabog ba ako sa telepono
sa pagkapahiya sa katotohanang
Dapat nang paniwalaan

Gigising na ba ako sa bangungot ng text
Na gabi-gabi ay dumadalaw
Sa masalimuot kong pagtulog

Tatawa ba ako ng malakas
Sabay kibit ng aking mga balikat
At iiling sa maiiwang sugat

O matatahimik sa kawalang-magawa
Habang unti-unting bubuhos
Nang sabay-sabay ang mga luha?


17 oct 2001
- kay jc

Wednesday, January 07, 2004

Si Itay

Nasa tugatog ng hagdan si Itay
Sumisigaw, binubulahaw ang mga kapitbahay

Hindi daw siya ang aking magulang
Dahil hindi siya nagkaanak

Ng katulad ko

Lalaki ka na ang gustong
Katalik ay hinayupak na lalaki rin!

Hinambalos niya ako ng pintuan
Binato ng bintanang gawa sa kawayan.

Hindi daw siya ang aking ama
Dahil kaylanman wala silang lahi

Ng katulad ko

Demonyong nagkatawang tao
Gahaman sa laman, makasalanan!

Sinunog niya ng araw ang aking balat
Sa tubig ng drum, utak ko ay naging dagat

Hindi daw siya ang aking Diyos
Dahil kaylanman hindi niya matatanggap

Ang katulad ko

Ligpitin mo ang putang-inang mga gamit mo
Huwag ka nang bumalik, tuluyan kang maglaho!

Isinilid ko sa bayong ang aking inipong luha
At walang lingun-lingong ibinuhos sa ilog ng aking paglaya.



19, 21,26 June, 9 November 2k, 6 March 2k1