Tuesday, November 30, 2004

Sirena

Isang sulyap

Isang ngiti

Katotohanang kayhirap salain

sa paulit-ulit na pagtatangka

Sa marami-rami na ring paglusong

Sa kadalasang pagkalunod

Pagkapaso

Pagsabog ng puso

Bakit naalala ka?


Sa tuwinang tahimik ang hangin

Banayad ang sikat ng araw

At walang banta ang ulan sa lupa

Ikaw ang hamog sa lamig at dilim ng gabi

Ang panaginip sa init at panatag ng umaga

Ang awit sa antok at pahinga sa hapon

Bakit di kita maiwasan?


Sa muli nating pagkikita

Itatanong ko na sa iyo

Ano ang pagkakaiba kung ikaw ay walang asawa

At ako ay isang sirena?


Saturday, November 27, 2004

Tibok

Sa ilalim ng buwang bilog

Sa tuktok nitong apartment

Na ipinatayo sa perang galing

Sa paghihirap sa Amerika ng ating mga magulang

Kapatid, anak, kaibigan

Ipinagtapat niya ang isang lihim

Tatlo pa lang kaming nakakaalam

Wika pa niya

Ang asawa, ang isa naming kaibigan

At ako.

Dapat ba na ako’y matuwa

Maging masaya sa sitwasyon?

O tanawin ang mga bukas pang darating

Na sabi nga ni Angela

“Wala na. Wala na...gumising ka..

Maniwala ka, bukas bagong umaga,

bagong ganda!”

Sana nga. Kahit wala pa rin akong tunay na suso.

Heto siya

Heto ako

Nagkakaintindihan na ba kami?

„Pag nagawa ko yan,

muling titibok ang puso.”

Tandaan mo yan!