Tuesday, September 14, 2004

Kay DB

30 March, 200_

sa iyong sinasabi na akin pa ring ate, ang walang kakupas-kupas na ms. Dina b. (di na bilog? Di na bisaya? Di na binitay? Di na binili? Ah basta dina b.),

sinusubukan ko ngang muling buhayin ang aking natuklasang natatanging talinong paminsan-minsan ko lang pagbigyan, dahil na rin sa ilang panahong pulos pag-ibig ang naging laman ng aking kalooban (mula kay albert hanggang kay ricardo…) kahit na sa ngayon ang tingin ko sa aking sarili pa rin ay nag-iisa. inaamin ko naman na ginusto ko ito. ito ang ibig ko, ang ibig gustuhin. Ano nga ba talaga?

sinasabi ko na nga ba na kapara pala ng aking ginagawa noon ang ginagawa mo kapag naglalaro ng pakikipaghabulan sa bolang puti ang mga lalaking kulay laman at amoy araw habang sabay nating pilit na binibigyan ng kahulugan ang ating mga talata. Sana nagkakilala na tayo nang lubusan noon, para kahit papaano ay nakakauwi tayo na nakadikit sa ating mga katawan ang amoy ng mga lalaking iyon. Pero sadyang may panahon sa bawat bagay na ating matutuklasan sa isa’t-isa. higit sa pitong taon na pala ang nakalipas mula pa ng mga araw na iyon. Parang ang tanda mo na samantalang ang bata-bata ko pa.

Hindi pa nasasabi ni maricel sa akin ang balak mong pananatili diyan sa bayan ng mga banyaga. Hindi pa nga kami nagkikita at lubusang nakakapag-usap mula nang lumipad papuntang thailand si tito alfie. Talagang mapapalayo na nang tuluyan ang ating mga katawang lupa sa isat-isa. paano na ang programa mo sa telebisyon? ako siguro ay mananatili pa rin dito sa ating bansa at maghahanap ng mga bagong pelikula na lalabasan. Bihira na ang ibinibigay na papel sa akin dahil matanda na raw ako at wala nang maipapakitang katawan. Ngunit nagkakamali sila diyan. Mas maganda pa nga ang aking katawan, hindi man kasing sariwa…

Sana nga makasunod na sa iyo si maricel sa lalong madaling panahon. Alam kong kayo na hanggang sa kaylanman. Marami nang karanasan kayong napasukang dalawa at marami pang pupuntahang istorya. Pagpalain kayong dalawa.

Ako naman, di na siguro pupuwede sa isang lesbiyanang relasyon. Hindi ko talaga kaya yun. isa pa, ang dati kong babasaging puso ay naging bato na. buhay na buhay na bato.

Iyon lang ngayon ang masasabi ko. Salamat sa mahaba mong liham.

Galing sa natatanging maganda sa dakong ito,

kookie! (Ng ina mo)

p.s. ang hinihingi mong script ng pinakabago kong pelikula ay sa susunod kong sulat ko lang maipapadala. Ang password noon ay katulad sa naibigay kong unang kabanata ng aking walang katapusang nobelang na ngayon ay may pamagat nang, “Ang Walang Katapusang Taon”

si kookie ng ina mo pa rin

No comments: