Sa Lunes, aalis ka na
Yakap-yakap ang iyong sarili
Baon-baon sa pagal mo nang puso
ang iyong mga hinagpis
Tuwa
Kaba
Pagbabakasakali,
Sa muling pakikipagbuno sa mga taong halos kulay
ay niyebe.
Iiwan mo kami sa aming tag-init
Na sabi mo, marahil ay hindi mo nga talaga ibig
Isa lang biyayang dulot sa iyo ng panahon,
Sa akin, ng iyong galing.
Pero paano na ang pag-ibig?
Lilisan ka,
At maiiwan sa loob ng labindalawang bilog ng buwan
Ang sari-saring alaalang
Kasing ririkit ng bahaghari,
Kasing lalalim ng balon ng iyong mga luha
Habang sa lamig ng hangin
Si Dulce ay kumakanta.
Harinawa,
Sa iyong pagbabalik
Ay dala-dala mo pa rin,
Kasama ng mga pasalubong,
Ang walang katapusan mong
Pagtawa.
No comments:
Post a Comment