Monday, December 20, 1999

Banta ng Bintana sa Buwan
I. Nabubugnot ang Kasalukuyang Panahon

5 p.m.

Wala nang magawa sa aking pagkabugnot ang mga nagdaang araw. Pagod na maging ang panahon sa patuloy na pagtitig sa akin ng kawalan. Hinayaan na lang akong natutulala sa higaan. Nakanganga. Bukas na bukas ang mga mata. Hindi na nga ako makapag-isip sa halos tatlong linggo na ring inom, tulog, kain, tv, sulat sa journal, basa ng journal, tulog uli, kain uli, inom uli, journal uli, tv uli, tulog na naman, inom nang magdamagan; patuloy ang mga araw na ganun lang ang aking ginagawa sa mahabahabang paglalakbay ng panahon.

Para na akong bilanggo
na walang bagong magawa
Ikinulong ang aking sarili
sa apartment na ito

Papano na ang aking paglaya
Sa pamamagitan kaya ng lagablab ng apoy
ng rumaragasang tubig
o ng mga batong nag-uumpugan

Ewan Bahala na
Basta ang gusto ko
Katahimikan
Wala na sanang gulo

Mapalad ako sa kapayapaang ito
Umaga man o gabi
kung wala ang ingay ng tv
awit ng mga kuliglig na lang ang aking naririnig


Tula na ang nasulat ko. Tulang wala na sigurong makakabasa. Maging mga kaibigan ko.

Hinahanap na rin kaya nila ako? Nagtataka na kaya sila kung bakit bigla na lang akong nawala sa 'ika nga, sirkulasyon? Pero tatlong linggo pa lang akong nawawala. Masyado pang maaga para mapansin ang aking pagkawala.

Teka, bakit ko ba pinagtutuunan ng panahong mag-isip kung nami-miss nila ako o hindi? Wala na akong pakialam. Di ba hiyaw na ng hiyaw ang aking telepono pero pinili ko pa ring huwag patahanin ito. Pati ang pager ko, di ko na pinakain ng baterya. Gusto ko lang talagang manahimik muna pagkatapos ng...

Basta, I want my fair share of peace. I need it before I do...

Kailangan ko ito, bago ko gawin ang nararapat na mga hakbang para sa isang katapusan.


------------