Friday, May 27, 2011

Ang Kamatayan ng Isang Birhen

Hinihila na si Alex ng panaginip isang gabi nang bigla niyang narinig ang boses ni Bighani mula sa labas ng gate ng kanilang apartment building. Bumangon siya, lumabas ng kwarto at aprtment, at tinungo ang gate.

"Naku, kuya Alex," umpisang kuwento ni Bighani habang binubuksan nya ang gate, 'kilala mo ba yung bakla sa parlor na malapit sa burgeran sa may simbahan?"

"Sinu dun?" inaantok na tanong ni Alex habang pinapapasok sina Bighani, Lara, at Beth, ang tatlong beauticians ng kare-renovate pa lang na Weave on Wave Salon sa gilid ng Alabang.

"Yung nakilala ni Nay Beth sa make-up competition nung isang buwan yata yun."

Tumango na lang si Alex kahit hindi nya maalala para lang ituloy ni Bighani ang kuwento.

"Namatay pala sa AIDS. Hindi kaya siya rin yung kakilala mo na namatay?"

"Gaga. Iba yun," sinara ni Alex ang gate. "Saka di ko naman sure kung sa AIDS nga namatay yung kakilala ko."

Pumasok na ulis si Alex sa kwarto sa likod ng Salon at nahiga. Inaantok na siya at maaga pa ang pasok niya kinabukasan.

"Dinala pala sa San Lazaro si bakla at di na pinalabas," bakas sa tinig ni Bighani ang pag-aalala. "Naku, kuya Alex, may mga kilala tayo na na-booking ni bakla. Di kaya anu..?"

Napaupo si Alex sa kama. "Sinu naman?"

Nagbanggit si Bighani ng mga pangalan. Lampas ng lima. Baka higit pa sa sampu. Kilala nga nila ang mga yun. May ilan na kangitian na nya habang nagbabantay sya ng Salon. May nakainuman. May nakakuwentuhan sa loob ng kwarto. May nakasama sa pagtulog.

Duon napagtanto ni Alex kung bakit parang balisa si Bighani. Ilang taon na rin nya nakakatulong si Bighani sa Salon at alam niya halos kung sinu-sino ang nakasama nito kapag sarado na ang Salon. Alam rin nya kung anu ang nakahiligan nitong gawin sa mga nakakasama nya. Alam din ni Bighani kung ano ang nakahiligan niya.

"Yung hada mo nung isang gabi, kuya Alex. Pumupunta rin yun kay bakla."

Hindi muna sumagot si Alex. Alam niyang safe naman siya nung isang gabi. Pero safe nga ba sya sa lahat ng pagkakataon? Kahit pa palagi niyang binabanggit kay Bighani na gumamit ito ng condom tuwing may booking. Di nya masabi sa sarili nung gabing yun na ginagawa nya ang sinasabi nya.

At ngayon ngang halos unti-unting dumarami ang nabibilang nyang kakilala or kakilala ng kakilala niya, na nagkakasakit dahil sa AIDS, napagtanto ni Alex na andyan na nga sa labas ng parlor ang sakit.

Hindi na ito nababasa nya lang sa mga magasin. O napapanood sa mga palabas. O napagkukuwentuhan nilang magkakaibigan. Nasa tarangkahan na nga si Ms. Aida Macaraeg, 30 years and getting stronger, Ms. International!

"Magpa test kaya tayo, kuya Alex?" mungkahi ni Bighani sa kanya.

Oo nga. Bakit ba hindi? Panahon na. Halos isang sakay lang ang RITM.

"Sige," sagot niya kay Bighani. Silang dalawa lang ang nasa kuwarto. Sina Lara at Beth ay nag-aayos na ng matutulugan sa mismong Salon. Tila wala namang pangamba ang mga ito.

Nahiga uli si Alex. Ilang minuto munang tahimik ang silid bago lumabas si Bighani ng kuwarto. Bitbit nito ang notebook na may listahan ng mga kakilala nyang nakita nito sa parlor ng bakla nung nabubuhay pa ito.

"Pakipatay ng ilaw, ne," pakiusap ni Alex.

Binalot ng dilim ang silid. Nangapa ang mga mata ni Alex dahil tila di na niya maaninag ang ilaw sa labas.

(Itutuloy)

No comments: